|
Published by Leade Publishing
Co. in Hong Kong You can contact us
at: Click here to get your daily dose of news from Philippine newspapers: Click logo to
visit the Philippine Associationof Hong Kong Website: |
BUHAY-PINAY SA HONG KONG I am a university graduateMahigit isang taon nang naninilbihan si Donna, may asawa’t anak, sa amo sa Chai Wan. Madalas siyang pinagsasabihan ng mga amo dahil sa kanyang alagang bata. Tinitiis ni Donna ito at hindi sumasagot pa ito ay nasa katwiran. Ngunit napuno na ito nang pagsabihan siya na walang alam at lahat ng itinuturo nito sa alaga ay mali. Kinuha nito ang gamit ng alaga at ipinakita sa amo at sumagot itong “Why Ma’am, do you think I do not know this simple English? Don’t you know that I am a university graduate in the Philippines? And how about you?” sabay talikod nito. Sinugod si Donna ng amo na ambang sasaktan. Hinarap ni Donna ang amo at inilantad ang mukha para sampalin ng amo. Nagulat ang amo kay Donna sa inasal nito. Doon lang halos naniwala ang amo na may alam si Donna nang sabihin nitong maghaharap sila sa Labour pag sinaktan siya. Natameme ang amo at ito ay biglang nagbago kay Donna. Hindi na ito gaanong nagsasalita ng masakit o nang-iinsulto kay Donna. Hinihintay na lang ni Donna na tapusin ang kontrata para humanap ng bagong amo at kung hindi ito makakita ay umuwi na lang daw siya sa Pilipinas dahil graduate naman daw at may trabaho na ang kanyang anak. Wala na daw siyang dapat pang ikabahala kung iteterminate siya at pauwiin. Wala din daw siyang utang at kahit paano ay may kaunting naitabi na rin — JCSangalang Nang dahil sa utangNapahiya at natakot si
Rosa, dalaga, naninirahan sa isang boarding house sa Sheung Shui, nang
pagsalitaan ng masasakit at duru-duruin ng isang Indian. Hiniram ni Rosa ang
passport ng kaibigan niya, na ang boyfriend ay ang Indian, para makautang sa
isang patubuan na ang hinihingi ay passport. Nagkasundo silang magkaibigan sa
ganoong desisyon dahil babayaran din agad ni Rosa para maibalik ang passport.
Ngunit dahil gipit at walang permanenteng trabaho at kitang inaasahan, hindi
niya nabayaran agad ang nautang. Nagkataon namang gustong isama ang kaibigan
niya ng boyfriend sa India. Nang malaman ng Indian na ipinagamit ng
girlfriend ang passport ay nagwala ito dahil nagbibigay ito ng pera sa
girlfriend at may nakuha rin si Rosa sa kanila. Ganoon na lang ang inabot na
sermon niya nang magkaharap sila ng Indian. Pinagsalitaan nito ng masakit si
Rosa at dinuduro pa. Binigyan din siya ng ultimatum para magbayad at kunin
ang passport ng girlfriend. Litong-lito ngayon si Rosa kung paano tutubisin
ang passport. Halos wala na ring magtiwala dahil lahat ng kakilala at
kaibigan ay nautangan na niya. — JCSangalang Iniwasan ng phonecard agentsApat na tao ang pinagkukunan ng phonecard ni Lorna, taga-Sui Sai Wan, para pantawag sa Pilipinas. Dahil baguhan pa lang at dala ng pangungulila, malakas itong gumamit ng phonecard. Dala-dalawa itong manguha sa pinagkukunang mga tao. Nakakabayad din naman siya kapag bayaran na. Dahil demanding ang amo nito ay lagi silang nag-aaway na naging dahilan ng paghahamunan ng termination. Nagbigay ito ng one-month notice sa amo at nang malaman ito ng mga taong pinagkukunan ng phonecard, ay biglang naningil ang mga ito sa kanyang mga nakuhang phonecard. Mula noon kapag nangunguha si Lorna ng phonecard ay sinasabihan siyang ubos na o wala na. Doon napagtanto ni Lorna na iniiwasan na pala siya ng mga mula nang mag-abot siya ng one-month notice sa amo. Ikinalat ito ng isa sa kaibigang napagkwentuhan niya. Kasalukuyan pa ring nagtratrabaho si Lorna sa mga amo at hindi nila pinatulan ang one-month notice na ibinigay ni Lorna. Mahigit pa lang dalawang buwan siya dito sa Hong Kong. — JCSangalang Sinulot ng kaibiganTatlong linggo pa lamang si Zeny na tubong Nueva Ecija sa kanyang mga amo sa North Point nang i-terminate siya nito noong nakaraang Disyembre. Ang dahilan, nagsumbong ang kanyang kasamang Pinay na si Lily, tubong Quezon at mahigit nang isang taong nagtrabaho sa kanilang amo. Ayon kay Zeny, tiwala siyang nagkwento ng kanyang saloobin ukol sa trabaho kay Lily. Ang katwiran niya ay aalis na rin naman ang huli dahil terminated na ito. Ang hindi niya inaasahan ay sasabihin pala nitong lahat sa kanilang amo ang kanilang napag-kwentuhan noong mag-day-off siya. Nabaligtad tuloy ang pangyayari, si Zeny ang ini-release at si Lily ang naiwan sa amo. Alanganin din siyang makapag-process dito dahil “unsatisfied” ang nakalagay sa kanyang release letter. Ganoon pa man ay binayaran naman siya ng kanyang amo sa mga obligasyon nito. — Cielita C.Carenan Nagtampo sa amoNapakabait at walang pakialam ang mga amo ni Fe, 43, biyuda na tubong Bulacan na nakatira sa Sai Kung. Nagagawa nito ang magluto-luto ng Pilipino food at ibinebenta niya sa lugar nila. Nagba-buy-and-sell din ito dahil maluwag sa oras ang amo kahit na sa ordinaryong araw bukod pa sa linggo. Bukod sa regular na sinasahod ay malaki pa ang kinikita nito sa negosyo. Naibibigay niya ang halos lahat ng kailangan ng anak. Naputol at nabago ang ganitong trabaho ni Fe nang dumating ang lolo at lola ng kanyang alagang bata mula sa China. Pinakikialaman ng lola ang halos lahat ng gawa ni Fe at para dito mali lahat ang gawa nito lalo na sa pag-aalaga ng bata at pagluluto. Dahil hindi sila magkaintindihan, lagi na lang silang nag-aaway ng matanda. Isinumbong ni Fe ang matanda sa amo pati na ang pag-ayaw na sa kanya ng bata. Naging mas malapit na ito sa mga matatanda. Wala namang sinabi ang mga amo. Bumaba si Fe nong Disyembre 3 na maayos pa rin ang usap nilang mag-amo at hindi nila puputulin ang kanyang visa. Sa ngayon ay part-time lang muna ang gawa nito at patuloy pa rin ang pagba-buy and sell na siyang pinagkikitaan. Gusto man ni Fe na bumalik sa amo ay hindi na pwede dahil may kapalit na siyang isang Pilipina, kaya may plano na siyang umuwi ng Pilipinas sa Marso. Hinayang na hinayang man ito sa mga amo ay wala na siyang magawa. Konsuwelo na lang niya ang hindi pag putol ng mga amo sa visa niya. Patuloy pa ring silang nag-uusap ng mga amo at maganda pa rin ang pakita sa kanya ng mga ito. —-JCSangalang Libre daw, o!Hindi makapaniwala si Ness sa suwerte niya nang manalo ng coupon ng Pizza Hut sa isang supermarket. Pero dahil medyo duda ay ilang beses siyang nagtanong sa kahera ng supermarket. Ayon dito, “you can eat pizza and drink soup free of charge.” Nang magpunta siya sa Pizza Hut noong December 29,2001 para i-claim ang napanalunan ay sinabi sa kanyang hindi pwedeng i-take out, kaya naman dali-dali niyang sinundo ang kanyang tatlong kaibigan. Bago sila umorder ay muli na naman nilang itinanong ang kondisyones ng coupon at pareho din ang sagot. Kaya umorder na sila ng isang malaking pizza pero kailangan nilang magdagdag ng $10 at sinang-ayunan naman nila ito. Ang nakakatuwa at nakakaasar ay nang hingiin na nila ang “chit”, mahigit isang daan ang sinisingil sa kanila at nang isa-isahin nila ay tuluyan na silang na-imbyerna. Dahil kailangan nilang bayaran ang kinain nilang pizza at additional $10 at may service charge pa. Isang maliit na bowl na soup lamang pala ang libre. Mabuti na lamang at may dalang pera ang isa sa kanila kaya may naibayad sila, kundi ay maghuhugas sila ng plato at lalabas silang hiyang-hiya.— Cielita C.Carenan Nalingat … naisahanSa halip na grasya ay
disgrasya ang napala ni Jasmine noong araw ng pasko. Napag-alaman na kasama
ang mga kaibigan, ipinagdiwang nila ang araw ng Pasko sa isang boarding house
sa Tai Wo. Nagkaroon sila ng salo-salo at munting party na ginanap sa roof
top ng boarding house. Noong una ay inihabilin niya sa isang malapit na
kaibigan ang kanyang wallet pero bandang hapon ay ibinigay na rin sa kanya
dahil maaagang umalis ang pinaghabilinan. Bago sila naghiwalay na magkaibigan
ay nandoon pa ang isang libong dolyar na ibabayad niya sa bangko. Noong
umalis na ang kanyang kaibigan ay basta na lamang niya ipinatong sa lamesa
ang kanyang wallet at bumalik sa kasayahan. Kinahapunan na niya nalamang
nawawala ang kanyang pera na inutang pa niya sa patubuan. Mangiyak-ngiyak
siya sa inis at kaagad na tinawagan ang kaibigan para magtanong at
magsumbong. Pero wala na silang magawa. Ang masama ay dati na palang may
nagrereklamong malimit mawalan sa nasabing boarding house at ngayon lamang
nila ito napagtuunan ng pansin. Mayroon na rin silang sapantaha kung sino ang
“culprit”. — Cielita C.Carenan Pinay nang-umit ng chocolateIsang Pinay na itinago sa pangalang Gloria ang nahuling nang-umit ng chocolate sa isang branch ng Yu Kee sa Hunghom noong umaga ng January 8. Mabuti na lamang at napakiusapan ang mga staff ng nasabing tindahan na huwag nang tumawag ng pulis dahil babayaran na lamang niya ang chocolate. Ayon kay Gloria ay bibilhin naman talaga niya ito Ang ipinagtataka lamang at ikinatataas ng kilay ng mga nakasaksi ay kung bakit kailangan pa niyang magtawag ng mga kaibigan para magpahiram ng pera sa kanya. Ayon naman sa ibang Intsik, huwag na sana siyang bumili at kumain kung walang pambili. Samantala mga ngiting nakakatuya naman ang makikita sa ilang Indonesian at Intsik na nakasaksi sa pangyayari. Mahigit tatlong daang dolyar ang kanyang binayaran. — Cielita C.Carenan Part-time dawHalos magdadalawang-taon na ring kilala ni Gwen ang isang British na lalaki at naging kaibigan na rin niya ito. Kaya nang alukin siyang magpart-time ay hindi siya nag-alinlangan. Nang pumasok na sila sa bahay ng British, doon niya nalaman na hindi pala gawaing bahay ang ipapagawa sa kanya. Gusto ng lalaki na bigyan ni Gwen ng ‘body massage’ ang Intsik na girlfriend niya na naroon, habang papanoorin sila ng lalaki. Nagsisigaw si Gwen sa takot at pagka-bigla. Sinabi niyang lalo siyang magwawala kung pipilitin siyang gawin ang nais nila. Umalis ng bahay si Gwen na takot at galit ang nararamdaman. Hindi daw niya inaasahan na ganoon ang gagawin sa kanya ng lalaki dahil mabait daw ito. Si Gwen ay tubong Davao. — JC Sunog talagaMadaling araw ng Nobyembre 2, nagising si Perly, 31 anyos na tubong Pampanga, dahil sa usok sa kanyang kwarto, na malapit sa kusina ng kanilang bahay sa Repulse Bay. Takot na takot si Perly dahil akala niya ay talagang nagkaroon na ng sunog. Pagpunta niya sa kusina, doon niya nakita na ang pinapainit palang sabaw ng kanyang amo ay umuusok at sunog na sunog na. Agad niyang pinatay ang kalan at pinagbubukasan ang mga bintana. Mabuti na lang at hindi at nagsipagputukan ang mga de-koryenteng gamit nila sa kusina. Nagising din ang kanyang amo at nanghingi ng paumanhin kay Perly dahil siya ang nagsalang ng sabaw at nakalimutang patayin ang kalan. Pinalinis na lang ng mga ito ang kisame ng kusina na umitim din at pinalitan ang ilang gamit na nasira. Nagsabi din si Perly na gisingin na lang siya kung may kailangang initin o lutuin. Si Perly ay limang taon ng naninilbihan sa amo. — JCSangalang Hang-over palaNagkatuwaang nag-inuman ang magkakabayan at magkakaibigang taga-Davao noong Nobyembre 18, na nauwi sa todong lasingan. Isa si Ella, 39 anyos sa tinamaan ng alak. Umuwi itong hilong-hilo at lasing na lasing sa kanilang bahay sa Happy Valley kinagabihan. Hindi siya makatinag sa pagkakahiga kinabukasan dahil sa sakit ng ulo at hilo na dulot ng hang-over. Nang tingnan siya ng kanyang among doktor, sinabihan itong mahiga na lang at magpahinga sabay bigay sa kanya ng iba’t-ibang gamot para maibsan ang sakit na nararamdaman. Ang pagkakaalam ng amo ay may migraine si Ella na siyang dahilan ng panghihina nito. Pero ang totoo, may hang-over lang siya. Lihim na natawa si Ella pero hindi na itinama ang maling akala ng amo. Limang taon nang nagsisilbi si Ella sa amo. — JCSangalang Nawala ang walletSumakay ng Bus 25C sa Wanchai si Josefa, 31 anyos, may asawa, pauwi sa kanilang bahay sa Cloudview Rd., North Point noong Nobyembre 16, alas-dos ng hapon nang mawala ang kanyang wallet na naglalaman ng $2,000, HK ID at mga resibo. Ganoon na lamang ang panghihinayan at panlalambot ni Josefa ng malaman na nito na ang kanyang wallet ay nawawala. Hindi na raw importante ang pera basta maibalik lang daw ang kanyang ID, ATM card, at mga resibo dahil kailangan pa niyang tubusin ang ilang mga gamit. Wala naman siyang malamang lapitan o mapagtanungan ng mga sandaling iyon. Hindi rin niya alam kung saan mananawagan tungkol sa kanyang nawawalang wallet. Sa susunod daw, sadya na siyang mag-iingat. — JCSangalang Natutong magpakumbabaNag-abot ng one-month notice si Gloria, 35 anyos na dalaga, tubong Nueva Ecija sa kanyang among taga-Sui Sai Wan dahil hindi na niya makayanan ang trato sa kanya ng mga amo. Wala pang isang buwang naninilbihan si Gloria sa mga amo ay nakita na niya ang tunay na ugali ng mga ito. Kulang na kulang siya sa pagkain, at minsang kinain niya ang natirang minced pork, napagalitan pa siya. Hindi rin pwedeng gumamit ng telepono at washing machine. Araw-araw ay nagde-demand na maglinis siya kaya kulang din siya sa pahinga. Nang i-abot niya ang one-month notice tinanggap ito agad ng amo at nagmamalaki pang nagsabi na madali daw siyang makakakuha ng kapalit. Tatlong Pilipina ang agad ay na-interview nito ng sumunod na linggo. Kina-Lunesan ay nabigla si Gloria dahil biglang nagbago ang trato sa kanya ng mga amo. Lahat ng mga inireklamo niya noon ay tinugunan ng mga ito. Lalo pa siyang namangha nang pakiusapan siya ng mga ito na manatili man lang siya ng isang taon sa kanila dahil manganganak na sa katapusan ng Nobyembre ang among babae. Noon niya napag-alaman na wala pala itong nagustuhan sa mga Pinay at ganoon din ang mga Pinay sa kanya. Hindi na lang kumibo si Gloria at naki-ayon na lang sa kanila. Si Gloria ay may anim na taon na dito sa Hong Kong bago nagtrabaho sa bagong amo. — JCSangalang Karanasang hindi malilimotApat na taon ng naninilbihan si Nancy sa kanyang amo nang maisipan ng huli na kumuha pa ng isang katulong dahil ito’y buntis. Kaagad namang inirekomenda ni Nancy ang kanyang nakababatang kapatid, na ikinagalak naman ng amo. Halos walang pagsidlan sa tuwa ng dalawa nang sila’y magkita. Beso-beso, kwentuhan hanggang makaligtaan ni Nancy ang tamang oras ng pagsaing. Upang mapadali ang paghahanda ng kanilang hapunan, inutusan ni Nancy ang kapatid na magsaing habang s’ya naman ang maghahanda ng kanilang uulamin. Mabilis na kinuha ng kapatid ang rice cooker at wala sa loob na ibinuhos ang hinugasang bigas sa outer pot ng rice cooker at sinindihan. Ilang saglit lang at biglang nagliyab ang apoy mula sa rice cooker. Napuno ng usok ang kusina kaya’t dali-daling hinablot ni Nancy ang kanyang kumot, binasa at ginamit na pamatay sa apoy. Nasa ganoong sitwasyon sila naabutan ng kanilang amo. Panay ang hingi ng paumanhin ni Nancy sa amo habang abalang naglilinis ng ngangitim na kusina. Sa halip na magalit ay awa ang naramdaman ng amo sa kanya. Naglabas na lang ito ng pera at inutusang bumili ng bagong rice cooler at nang makapagsaing muli. Ang magkapatid ay tubong Camarines at kasalukuyang naninilbihan sa among Intsik sa Mid-Levels — Liezel V. delos Santos Amo, supalpal sa katulongMatagal ng kinikimkim ni Chanda ang sama ng loob sa amo dahil sa sobrang pakikialam sa buhay ng kapwa Pilipina. Sa tuwina, pinapansin nito ang mga Pinay saan mang dako ng Hong Kong nagpapalipas ng araw ng pamamahinga. At pagdating ng bahay, si Chanda ang pinagbubuntunan ng galit sa sobrang sikip daw na naidudulot ng mga ito sa kanilang lugar. Araw ng Linggo, magkasamang namasyal ang buong pamilya sa isang park at ‘di sinasadyang nabundol ng isang Pinay ang kanyang anak. Kinagabihan, sadyang hinintay ang pagdating ni Chanda galing day-off at walang pakundangang pinagmumura siya nito. “You guys really have no manners…” Hindi pa halos tapos ang amo sa pagsasalita ay ‘di napigilang pinagtaasan din ni Chanda ito ng boses sabay sabi, “Why don’t you mind your own business. Ang why don’t you even think of the services we render to you guys just to make you satisfied and pleased.” Sapol ang amo. Mula noon, nagbago na ang pakikitungo’t pananaw ng kanyang amo sa mga kapwa n’ya Pilipina. — Liezel V. delos Santos Kaibigang mandarambongGanoon na lang ang galit at inis na naramdaman ni Cely pagkatapos makausap si Belen, 29, tubong Narvacan, Ilocos Sur may asawa’t anak na nasa Bacar, Magsingal, Ilocos Sur dahil ayaw bayaran ng huli ang utang sa kanya. Katwiran ni Belen, wala naman daw siyang pinirmahang papel at walang ebidensya si Cely na may utang nga siya sa kanya. Noong isang taon, naospital ang kapatid ni Belen at si Cely ang hiningan niya ng tulong. Dahil limang taon na silang magkaibigan, hindi naman binigo ni Cely ang kaibigan at pinahiram niya ng pera. Pero ngayon kinalimutan na ni Belen ang obligasyon niya at siya pa ang matapang kapag sinisingil ni Cely. Pati mismong kamag-anak ni Belen ay uma-ayaw na sa kanya dahil marami rin pala itong nahiraman sa kanila, maliban pa kay Cely. Sa ngayon nanghihinayang si Cely sa kanilang pinagsamahan pero gayon pa man, mabuti na rin daw ang nangyari dahil nakilala niya ang tunay na pagkatao ni Belen. — MRAG Nagmagandang-loob, tinakbuhanVIP member ng isang pautangan si Lovely, 54, tubong La Union kaya marami siyang mga pribilehiyong natatanggap. Minsang nag-remit siya, nakilala niya si Lydia na nakisuyo na ipaki-remit siya dahil kailangang-kailangan nitong magpadala ng pera sa Pilipinas at nadisgrasya daw ang asawa at anak niya. Dahil ubos na ang limit ni Lovely, naki-usap siya sa manager ng pautangan kung maari pa siyang payagang mag-remit. Pina-alalahanan siya ng manager pero dahil naranasan na rin daw ni Lovely kung paano magipit, nagmagandang-loob pa rin siya. Pinahiram daw niya ng $2,800 ang babaeng nagpakilalang si Lydia Pantoha na taga Lucena at ang kumare nitong si Letty. Maliban pa dito ay nagpahiram din daw siya kay Jaquilyn delos Santos, tubong Agoo, La Union, isa pa ring nakilala sa pautangan, ng $15,000. Pagkatapos na mapahiram ang tatlo, nawala na lang daw silang parang bula. Wala man lang nagbayad ni-isa sa kanila, kaya ngayon nakiki-usap si Lovely sa tatlo na harapin ang kanilang obligasyon sa kanya. Kung nais siyang makausap, maari siyang tawagan sa 2529 8164 c/o Nicky Flores, o sa 9757 5114 c/o Amor. — MRAG WantedGipit man si Ella ay ginastusan at kinuha pa rin ang dalagang hipag na si Snooky para makapagtrabaho dito sa Hong Kong. Sa pagtulong na ito ang kapalit ay todo perwisyo at muntik na pagkakakulong ni Ella. Noong una, maayos na nakakabayad si Snooky sa mga dapat bayaran, pero napabarkada ito kaya natutong gumastos at umutang sa bangko. Laging gipit si Snooky kaya mainitin ang ulo na dala hanggang sa trabaho. Minsan, habang pinapakain ang alagang magdadalawang taon, nilaro ng bata ang pagkain at ibinuga, kaya tinapik ni Snooky sa kamay. Lalong nag-alma ang bata kaya sa mukha sinampal, habang siya namang labas ng amo mula sa kwarto kaya kitang-kita ang pananakit sa anak niya. Noong oras ding ‘yon ay tumawag ng pulis ang amo at idinampot si Snooky sa kasong child abuse. Si Ella na ang nagpiyansa at naging reference sa record ng mga pulis habang naghihintay ng first hearing. Si Ella din ang kumuha ng mga gamit ni Snooky dahil ayaw na siyang papasukin ng amo sa flat nila. Bago dumating ang takdang araw ng hearing, umuwi sa Abra si Snooky na hindi ipinaalam kay Ella. Kararating lang ni Ella galing day-off ng may nag-door bell na mga pulis. Walang kaba si Ella dahil mataas ang katungkulan ng amo niyang pulis din kaya sanay siya sa mga bisitang naka-uniporme. Napasigaw na lang siya ng “SIR” ng sunod-sunod na ang mga tanong sa kanya at gusto siyang dalhin sa presinto. Nakipag-usap ang amo ni Ella sa mga pulis at umalis na ang mga ito. Kinabukasan, sinamahan ng amo si Ella para magbigay ng statement na hindi niya alam na umuwi na pala si Snooky. Wanted na ngayon si Snooky dito sa Hong Kong. Sa ngayon, nagbabayad pa si Ella sa mga inutang para matulungan ang hipag. Taga-Abra si Ella, may asawa at isang apo na. — Violeta Pascual Missing partSanay na si Angie sa kakulitan at matinding asal ng kanyang among babae na taga-Prince Edward, kaya ‘deadma’ na lang ang pangontra niya. Nitong nakaraang linggo, hindi na umubra at halos lumagpas sa noo ang kilay ni Angie habang nagpapaliwanag sa amo. Katatapos lang nilang mag-dinner kaya ipinaghiwa ni Angie ng isang mansanas ang kanyang among babae. Habang nagliligpit sa kusina si Angie, nalingunan niya ang amo na binubuo ang apple sa palad at pilit inaayos na parang jigsaw puzzle. Dito na lumapit si Angie at sinabing “I gave one piece to your dog, ma’am.” Parang napahiya ang amo pero hindi pa rin pahuhuli ng buhay kaya palusot na sinabi, “Next time, let me do it.” Minsan naman na dumating ang amo bandang alas-tres ng madaling araw, ginising si Angie para tanungin kung nasaan ang kotse nila dahil wala sa parking lot. Muntik na niyang sinagot ng “Wala sa kwarto ko.” Iyon pala, ginamit ng anak at ginarahe sa ibang espasyo. Si Angie ay dalaga, taga-Nueva Ecija, 32 anyos na magtitiis pa ng limang buwan bago mag-break contract para magnegosyo na lang sa lugar nila. — Violeta Pascual Binagsakan ng yoghurtBingi na ang nanay ni Tess kaya pasigaw kung mag-usap silang mag-ina na parehong mobile phone ang ginagamit. Alas-nuwebe ng umaga ng Linggo, emote ng emote na si Tess sa backdoor veranda ng kanilang bahay sa McDonell Road, Mid-Levels nang may bumagsak na isang pakete ng yoghurt sa harapan niya. Napatulala si Tess, dahil bukod sa muntik na siyang tamaan, ay natauhan din siya na kasarapan pa pala ng tulog ng mga amo sa buong building nila. Bumaba na lang siya sa garden at doon itinodo ang boses. Hinahabol kasi niya ang nanay niya na bumiyahe pa ng sampung kilometro para marating lamang ang bahay ng kamag-anak sa Iloilo na may mobile phone. Pauwi kasi si Tess sa Pasig ngayong Disyembre at nais niyang paluwasin ang ina upang magkasama-sama sila kahit ilang linggo lang. Si Tess ay 48 anyos, may asawa at apat na ang apo. Biniro pa siya ng mga kaibigan na ulitin ang ginawa sa backdoor at baka sakaling chocolate o gatas ang ihagis sa kanya. Pero si Tess ay nagka-phobia na kaya lagi na siyang nagmamadali basta mapapadaan siya sa parteng iyon ng backdoor nila. — Violeta Pascual Kapritso ng amoSa pagitan ng ala-una hanggang alas-dos ng madaling araw ay ginigising si Rose ng kanyang mga amo upang utusan lamang bumili ng ice cold beer sa isang convenience store. Ito ay ginagawa niya tatlong beses sa isang linggo. Minsan ay hindi na siya nakatiis kaya tinanong niya ang mga ito kung bakit hindi na lang mag-stock ng marami sa refrigerator. Sumagot ang amo na mas malamig daw ang galing sa refrigerator ng nasabing tindahan. Muli siyang nagtanong kung bakit hindi na lang siya pabilhin ng beer ng mas maaga ng hindi siya napupuyat nguni’t pinagpilitan pa rin ng amo na iba daw talaga iyong bagong biling beer kapag ininom. Lulugo-lugong bumalik si Rose sa kanyang kwarto upang ituloy ang naantalang pagtulog na nagkukukot ang loob sa napakababaw na dahilan ng amo. Dasal na lamang niya ay huwag sana siyang mapahamak sa tuwing lalabas ng dis-oras ng gabi para lamang mapagbigyan ang kapritso ng kanyang mga amo. Gustuhin man niyang magrebelde ay wala naman siyang magawa dahil lagi nang isinusumbat ng amo na parte ito ng trabaho niya. Si Rose ay halos isang taon pa lang sa amo sa Mongkok. — Evelyn Tubongbanua I’m a U.P. graduateNatutukso nang mag-break contract si Josie sa mga amo niya sa Tai Wai dahil super higpit ito sa pagtratrabaho niya bukod pa sa stay-in ito. Madalas siyang magutom dahil karaniwan nang ilang pirasong biscuit tuwing alas diyes ng umaga, ang almusal niya. Puro noodles naman ang tanghalian niya kaya’t madalas ay nanlalata siya sa gutom. Palagi pang nakasigaw ang amo sa kaunting pagkakamali, kaya naman kadalasan, hindi niya mapigilang tumalikod na lang kapag nagbubunganga ito sa kanya. Lagi pang ipinagmamalaki sa kanya ang kursong natapos niya at U.P. graduate daw siya. Isang araw, napuno na siya kaya sinagot na rin niya ang amo at tahasang sinabi na walang halaga kung sa U.P. o sa Harvard siya nagtapos, ang importante sa kanya ay ang ugali nito at ang trato sa kanya bilang kasamahan sa bahay. Hindi niya napigilan ang pag-iyak sa harapan ng amo habang nagsasalita, pagkatapos ay dumiretso siya sa kwarto. Naiwang walang kibo ang amo niya at magmula noon ay hindi na naungkat ang kanilang pinag-usapan. Naroon pa rin ang paminsan-minsang topak pero hindi na rin kasing tindi ng dati. Kahit paano ay nagpapasalamat na rin siya. — Evelyn Tubongbanua Nagipit, sa patalim kumapitNagkapatong-patong ang utang ng isang Pilipina sa maraming bangko hanggang nitong nakaraang buwan ay puro pangha-harass ng ang inaabot niya sa mga kolektor ng bangko. Maglilimang taon na ito sa mga amo niya at tiwala na ang mga ito sa kanya kaya’t naiiwan nilang bukas ang kanilang kwarto sa maghapon. Dahil sa gipit, natukso ang Pinay na i-fake ang pirma ng amo sa checkbook at mag-withdraw ng $15,000 bagay na nakarating kaagad sa kaalaman ng mabait na amo. Noong araw ding iyon ay tumawag ng pulis ang mga amo at ipinakulong siya. Alam ng Pinay na kasalanan niya kaya sumama na rin siya sa mga pulis. Isang Pinay naman ang naglakas-loob na magtanong sa amo tungkol sa pangyayari. Sinagot siya ng amo na sana daw ipinaalam kaagad sa kanila na may problema ang katulong sa pera at maiintindihan nila. Baka nakatulong pa sila sa kanya. Hindi rin daw sila makapaniwala na nagawa niya ang ganoon sa kanila. — Evelyn Tubongbanua Condolence!Noong bagong dating si Mewa sa amo niya sa Sai Kung, sinabihan siya ng kanyag kapit-bahay ng “condolence,” bagay na ipinagtaka niya. Subali’t sa loob ng tatlong buwang paninilbihan, nalaman niya ang kawalanghiyaan ng amo na stay-in. Kailangan niyang linisin ang apat na palapag na bahay sa loob ng dalawang oras. Kapag may excess sa bill ng teleponong ginagamit ng mga alaga ay binabawas sa sweldo niya dahil siya ang may hawak ng cellphone. May ugali rin itong nanggigising ng madaling araw para ipalista kay Mewa ang mga trabaho niya sa maghapon. Kapag Sabado ng gabi, ipinalilista ng mga amo ang mga de-lata sa cabinet dahil baka daw magdala siya kapag day-off niya. Hindi rin daw pwedeng mandaya dahil may sarili daw imbentaryo ang amo sa computer. Hindi tuloy nakapagtataka na malaki na ang ipinayat niya. Wala namang magawa si Mewa kundi ang umiyak na lamang dahil hindi siya maka-alis at marami pa siyang iniintinding mga utang sa Pilipinas para pambayad sa agency. Kung hanggang kailan matitiis ni Mewa ang ugali ng amo ay hindi niya alam. — Evelyn Tubongbanua |
|
|
|