Habang nag-aagahan ang amo ni Lina isang Sabado ay sinabihan siya nito na huwag
nang magluto ng hapunan dahil inimbita daw ito ng kaibigan na doon na sa kanila kumain. Sa halip
ay sinabi kay Lina na magpunta na lang sa bahay ng kaibigan at tumulong doon magluto at
magligpit. Pinauna ng amo si Lina sa pagpunta sa bahay ng kaibigan na malapit lang sa kanila.
Habang naglalakad si Lina papunta doon ay may isang Pakistani na sumabay sa kanya at pilit hinihingi
ang numero ng kanyang cellphone para maging ka-text daw siya. Hindi ito pinansin ni Lina, na
binilisan na lang ang paglalakad. Pilit pa rin siyang kinukulit ng Pakistani, kaya nang makakuha ng buwelo
ay biglang kumaripas ng takbo si Lina. Imbes mawalan ng loob ay hinabol siya ng Pakistani.
Tiyempo namang may nakita si Lina na dalawang Intsik na nag-uusap sa gitna ng kalsada. Agad
siyang nagdesisyon na dumaan sa gitna ng dalawa para matigil ang paghahabol ng Pakistani. Mabuti
naman at umubra ang taktika niya dahil tumigil ang lalaki sa kakahabol, pero tiningnan siya nang
mabuti bago dumiretso sa paglalakad. Hiningal at pinawisan si Lina dahil sa pagtakbo, ngunit malaki pa
rin ang pasasalamat sa naisip niyang paraan. Hindi bale nang lumabas siyang bastos, basta
nakaligtas siya sa nakaambang peligro. Si Lina ay 32 taong gulang na dalagang Ilokana, at naninilbihan
sa pamilyang Intsik sa Ap Lei Chau.--
Grace Gonzaga
Co-maker
Parang magkapatid na ang turingan nina Mae at Julie. Magkasama sila lagi sa sa araw
ng pahinga, madalas magbigayan ng mga gamit, at higit sa lahat ay prangka sa pagbibigay ng payo
sa isa't isa. Mas naunang dumating si Julie dito sa Hong Kong kaysa kay Mae kaya medyo mas
marami siyang karanasan. Tuwing may gustong tanungin si Mae ay si Julie agad ang nilalapitan niya.
Minsan ay tinanong ni Mae si Julie kung kung ano ang mga kakailanganin kapag siya ay nangutang
sa bangko. Agad siyang sinabihan ni Julie na kung hindi naman niya masyadong kailangan ang pera
ay huwag na siyang mangutang dahil sa laki ng interest na pinapatong. Mas mabuti diumano
na pagkatanggap ng sahod ay wala siyang iniisip na mga bayarin para laging panatag ang
kanayang loob. Ngunit naging mapilit si Mae sa pagpapaliwanag kung bakit kailangan niyang
mangutang. Naintindihan naman siya ni Julie at sinabing na kay Mae na ang desisyon pero siya daw ay
ayaw niyang magkautang. Matapos magtanong-tanong ay kumbinsido pa rin si Mae na manghiram ng
pera para sa isang proyektong sisiumulan. Hiniling niya kay Julie na maging co-maker niya ito
pero tumanggi ang kaibigan, pero sinabing may pamangkin ito na maaaring makumbinsi sa gusto ni
Mae. Pumayag naman ito. Lumipas ang ilang buwan at si Julie naman ang nangailangan. Nakiusap din
ito kay Mae na pumayag maging co-maker niya pero hindi ito pumayag. Nagalit si Julie at
sinabing walang utang na loob si Mae dahil noong nangailangan ito ay tinulungan niya. Napaiyak na lang
si Mae sa sama ng loob. Hindi pa nakuntento si Julie at ipinagsabi na yung inutang ni Mae dati
ay walang napuntahan. Mula noon ay nag-iwasan na ang dalawa. Sina Mae at Julie ay parehong
Bisaya. Si Mae ay dalawang taon pa lang sa Hong Kong at naninilbihan sa mga among Intsik sa
Aberdeen samantalang si Julie ay 10 taon na sa mga amo sa Pokfulam.
---Grace Gonzaga
Respeto
Dati ang akala ni ni Beth ay lahat ng mga lahing puti ay mababait at magalang, ngunit
hindi pala. Siya mismo ang nakaranas na hindi ito totoo. Nakapila noon si Beth sa Mc Donald's
para kumain, at sa harap niya ay may isang lalaking puti na may kargang bata na nasa isang taong
gulang. Nang may nagbukas na counter ay tinawag siya ng lalaking nasa kaha na lumipat doon para
umorder. Agad namang lumapit si Beth, nang biglang lumapit ang lalaking puti at dinuro-duro ang Intsik
na nasa counter, at minura pa nito. Nabigla ang Intsik pero nagawa pang mag-sorry. Hindi pa
nasiyahan ang lalaking puti at si Beth naman ang hinarap nito at sinabing "you people are s***, f***
you! Nagdilim ang paningin at nagpanting ang tenga ni Beth sa kagaspangan ng ugali ng lalaking
puti kaya sinagot niya ito ng, "are you referring to me and people like me?" At sinagot siya ng "yes
you, f*** you!" At parang nangungutya pang sinabing, "and you can speak English?" Hindi
na nakapagpigil pa si Beth at sinagot niya ang bastos na lalaki nang, "Yes, I can speak English
and probably better than you as I don't need to use the F word in every sentence and I know how
to respect people no matter who they are!" Walang gatol ang ginawang pagsasalita ni Beth, na
may British accent pa na nakuha sa among matagal nang pinagsisilbihan. Bago tumalikod ay
bumuwelta pa siya ng, "And by the way, Sir, I do pity your child as he will grow up with a father like
you!" Hindi nakaimik ang lalaking puti sa sinabi ni Beth at tumalikod na lang ito. Maraming nakakita
at nakarinig sa sagutang naganap at isang babaeng puti ang lumapit kay Beth at sinabi sa
kanyang, "Good one, that is so brave of you, serves him right." Kahit nangatog ang tuhod ni Beth ay taas
noo pa rin siya dahil naipaglaban niya ang kanyang karapatan. Naipamukha din niya sa lalaking puti
na hindi nito maaaring alipustahin ang ibang lahi. Si Beth ay dalaga at 30 taon nang nagtatrabaho
sa Hong Kong. -- Jo Campos
Kilig pa more!
Isa lang si Annie sa maraming naaliw at nahuhumaling sa tambalang Alden at Yaya Dub
o "AlDub" ng Eat Bulaga. Araw-araw ay inaabangan niya ito at kahit nagtatrabaho ay tumitigil
muna siya para manood. Kahit may edad na si Annie ay kinikilig pa rin siya sa romansahan ng dalawa
sa tinaguriang kalyeserye ng bayan. Para malibre sa trabaho sa oras ng panonood ay inaagahan niya
ang paglilinis ng buong bahay, at namamalengke na rin. Pagkatapos ay isinasalang na niya ang sopas
para sa hapunan dahil kailangan itong pakuluan ng ilang oras. Pagpatak ng ala una ay haharap na si
Annie sa TV para manood habang kumakain ng tanghalian. Minsan ay todo halakhak siya sa
panonood nang biglang may mangamoy sa kusina. Pagtingin niya sa nilulutong sopas ay nakita
niyang natuyuan na ito ng sabaw at halos nagtutong na. Dali dali niyang itinapon ang natira sa sopas
at hinugasan ang kaserolang nasunog. Mabuti na lang at teflon ang kaserola kaya hindi ito nasira,
kundi ay lagot siya sa kanyang amo dahil bagong bili lang ito. Hindi na tinapos ni Annie ang panonood
at tumakbo agad sa palengke para muling bumili ng sangkap sa sopas. Nang ikuwento ni Annie
sa kanyang kumareng si Mely ang nangyari ay tumawa nang tumawa ito dahil ganoon din pala
ang nangyari sa kanya minsan nang dahil din sa kapapanood kina AlDub. Si Annie ay isang ginang
na may dalawang anak at nagtatrabaho sa Tai Tam.
Jo Campos
Hit-and-run
Nasagi ng isang taxi ang minamanehong sasakyan ni Alma noong Hulyo 13 sa bandang
Hollywood Road sa Central. Nang bumaba siya para tingnan ang pinsala ay biglang humarurot ang
taxi. Galit na galit na sinundan ni Alma ang taxi, at tuwing magkakaroong ng tsansa ay kinukunan niya
ito ng litrato. Nakailang liko ang dalawang sasakyan bago tinantanan ni Alma ang pagsunod-sunod
sa taxi, pero galit pa rin siya. Dahil malapit na siya sa opisina ng amo ay dumiretso si Alma doon
at inilahad ang pangyayari. Noon lang din niya nakita ang talagang pinsala sa kotse. Bahagya lang
ang gasgas dito pero minungkahi niya sa amo na tumawag ito ng pulis upang kasuhan ng hit-and-run
ang taksi. Ngumiti lang ang amo at sinabing subukan niyang i-wax muna ang bahaging tinamaan
bago sila gumawa ng susunod na hakbang. Bumalik naman sa dating kulay ang kotse matapos sundin
ni Alma ang suhestiyon ng amo, ngunit gigil na gigil pa rin siya sa drayber na nakasagi sa kanya.
- Ramon Dizon Jr.
Namayat
Dating stay-in si George sa kanyang amo sa Mid-Levels kaya wala siyang alalahanin
pagdating sa pagkain. Ngunit nanibago siya nang makahanap ng ibang pamilyang ipagmamaneho sa Tai
Tam. Stay-out na siya rito kaya kailangan nang magbaon ng pananghalian araw-araw. Hindi naglaon
ay naisipan niyang kainin na lang sa umaga bago pumasok sa trabaho ang dapat na tanghalian para
hindi na siya nagbibitbit ng baon. Ang karaniwang almusal ang kanyang dinadala upang kainin sa
tanghali. Prutas na lang daw ang kanyang regular na hapunan. Wala pa siyang isang taon sa bagong amo
ay halata nang lumiit ang kanyang tiyan. Aminado naman si George na lumuwag na nga kanyang
mga pantalon at kailangan ng higpitan ang sinturon. Balak niyang ituloy ang nakagawian, basta lang
hindi masakripisyo ang kanyang kalusugan- Ramon Dizon Jr.
|