Editor's Note |
20 years of service to the community
|
Time flies.
Exactly 20 years ago this month, The SUN shone for the Filipinos in Hong Kong. It was
the fulfillment of a dream that took shape years earlier, or shortly after I arrived here in 1987 and
realized there was no reliable information channel serving the community.
But turning that dream into reality proved to be difficult. Several people offered to fund
the publication of a news-paper, but everyone wanted a business model different from what we had
in mind.
Details...
|
Anak Araw |
Pagpapabaya
|
Nitong nakaraang buwan ay naging saksi tayo sa nangyari kay Manang Gloria Ortinez,
ang OFW na biktima ng tanim-bala sa Manila airport. Halos buong araw kasi ay naglagi siya sa
opisina ng The SUN, kasama ang mga naghatid sa kanya na sina Susan "Toots" Ople na tagataguyod ng
mga OFW, at ang abogado niyang si Atty Spocky Farolan, kaya nasaksihan namin siya nang malapitan.
Details...
|
Migrant's Forum |
Nanay Gloria's journey to HK
|
President Benigno Simeon Aquino III recently told the media that cases of tanim-bala
were sensationalized, citing figures to prove his point. As an OFW advocate, I respectfully
disagree. Looking at this from a purely numbers perspective could lead one to overlook the deep trauma
that such incidents have caused its innocent victims.
Had he met and spoken to 56-year old OFW Gloria Ortinez, our President would have
learned the following:
Details...
|
Know Your Rights |
The Mission
|
This was the speech delivered by the Mission for Migrant Workers' general manager,
Cynthia Tellez, at the launch of the 10-year Impact Evaluation Report of the Mission's work held on
December 5, 2015 at the Li Hall of St. John's Cathedral.
Details...
|
|
With at least one -- and possibly two disqualification cases in the presidential race --
the Supreme Court has assured the nation politics will not dictate its decisions.
See this month's stories...
|
|
|
|
|
Staff and volunteers at the Mission for Migrant Workers had reason to celebrate when
they launched the non-government organization's 10-year Impact Evaluation Report at Li Hall of St
John's Cathedral on Dec. 4. Nearly all, or 97% of migrants who sought assistance said that they were
helped by the Mission, and more than half of them (57%) said they would recommend the NGO to others.
See this month's stories...
|
|
|
|
|
|
|
Mid-February 2015
|
Buhay Pinay
|
|
|
Kumakabog ang dibdib ni Lica habang binabasa ang sulat na iniabot sa kanya ng among
lalaki isang araw matapos ang magarbong birthday party nito. Ginanap ang kasiyahan sa malawak
na bakuran ng kanilang bahay sa Cham Chuk Wan, Saikung. Bago ang handaan, habang abala ang
lahat sa pag-aayos ng mga lamesa at upuan at iba pang mga bagay na gagamitin, biglang naghabulan
ang dalawang alaga nilang aso. Nabunggo ng mga ito ang outdoor bar, at nahulog ang ilang bote ng
alak. Tatlong bote ng mamahaling red wine ang nabasag. Sinabihan siya ng amo na ayusin muli ang bar
at ipasok sa bahay ang mga alagang aso. Sa sulat na iniabot sa kanya pagkatapos ay nakasaad
na kakaltasan ng tatlong daan ang kanyang bayad sa susunod na sahura, dahil hindi daw niya itinali
ang mga alagang aso kaya nangyari ang insidente. Bagamat masama ang loob ay hindi na lang umimik
si Lica at sumagot ng, "ok sir". Masamang masama ang loob niya dahil sa tingin niya ay hindi
naman niya kasalanan ang nangyari, lalo at nandoon din ang amo nang mangyari ito. Si Lica ay
mahigit tatlong taon nang nagtratrabaho sa mga among Australyano na kapwa negosyante. Siya ay 38
taong gulang may asawa at isang anak, at tubong Tagbilaran, Bohol.
Sanny delos Santos
Sinuntok
Dating maayos ang samahan ng tatlong Pilipina na namamasukan sa mag-asawang Intsik
na may dalawang anak at nakatira sa Pak Tam Chung, sa Saikung. Pero hindi maiwasan na
magkaroon sila ng alitan kamakailan dahil sa kanya-kanyang pagdiskarte sa gawaing bahay. Si Lina,
tubong Bohol, ay siyang pinakabata sa tatlo, subalit siya ang pinakauna na naging katulong sa
bahay. Sumunod si Brenda na Ilongga; at si Jovy, na isa namang Ilokana.Mabait ang amo ng tatlo,
at malaya silang gumamit ng computer o manood ng TV basta tapos na lahat ang mga
nakatokang gawain nila sa bahay. Isang araw, dahil may inaabangang teleserye si Brenda, nilapitan niya si
Lina para utusang kausapin si Jovy at sabihin na bilis-bilisan nila ang kanilang trabaho para maaga
rin silang makatapos at makapwesto na sa harap ng television. Pero anumang pakisuyo ang gawin
niya ay naging matigas si Lina sa pagsasabing siya na ang makiusap kay Jovy dahil siya naman ang
may kailangan. Hindi umano makatwiran na siya pa ang magsabi ng pinapakiusap ni Brenda
gayong pwede naman itong dumiretso sa kanilang kasama. Dahil hindi nasunod ang gusto ni Brenda
ay nagwala ito. Para makaiwas sa gulo ay umalis si Lina at pumunta sa kusina, pero sinundan pa rin
ito ni Brenda. Akmang babatukan ni Brenda si Lina nang biglang umiwas ang huli, at walang
kiming sinuntok ang kasama sa kanang pisngi. Huminahon lang ang dalawa nang pumagitna na si Jovy
at nagsisigaw na isusumbong sila sa mga amo kapag hindi sila tumigil. Kinabukasan, nagkaroon
ng blackeye si Brenda. Kinausap silang tatlo ng among babae kung ano ang nangyari, nguni't wala
ni isa sa kanila ang naglakas-loob na magsabi ng totoo. Bandang huli ay sinabi na lang nila na
nauntog lang si Brenda habang naglilinis ng mga kabinet sa kusina. Nagkibit-balikat lang ang among
babae, na halatang hindi naniniwala, at pagkuway umalis na ng bahay. Kinagabihan, apat na video cam
ang inilagay ng mga amo sa loob ng bahay, pero ipina-alam naman sa kanilang tatlo. Mayroon sa
kusina, sa sala, garden, at computer room, kaya kitang-kita na lahat ang kanilang mga galaw. Dahil
doon, naging maayos na muli ang samahan ng tatlo na siya namang ikinagalak ng mga amo.
Liezel delos Santos
Paalala
Inis na inis si Melanie sa ingay ng mga katabi sa Immigration Department habang
naghihintay siyang matawag ang pangalan para ma-interview dahil sa pag-aplay ng panibagong visa.
Kahit naiirita siya sa ingay ng mga naroon na malakas ang boses sa paghuhuntahan ay pilit pa rin
siyang nagtitimpi na huwag silang sawayin. Marami sa kanila ay mga Pilipina, pero may ilan ding
mga Indonesian na maingay din. Isama pa dito ang hindi maintindihang pagbigkas ng immigration
officer sa mga pangalang tinatawag, kaya tila sasabog na ang ulo ni Melanie sa ingay. Mabuti na lang
at may isang may edad na Pinay ang hindi na nakatiis at sinaway ang mga nag-iingay. Nainis ang
ilan, at ang isa ay pairap pang nagsalita na hindi naman daw malakas ang boses niya.Pero ang Pinay
na ito ay muntik nang mapahamak dahil sa kaingayan niya. Ilang beses na pala siyang tinatawag
sa counter ay hindi niya naririnig dahil sa kakadakdak niya. Di nagtagal ay lumapit na ang Pinay
sa isang officer upang tanungin kung bakit wala pa siyang tawag samantalang maaga pa lang ay
nandun na siya at alas dos na ng hapon noon. Nang ipakita niya ang numerong hawak niya ay napagalitan
pa siya dahil ilang beses na daw siyang tinawag. Bilang parusa ay pinaghintay siyang muli ng tawag.
Sa parehong umpukan ay napansin ni Melanie ang isa pang Pinay na nasa edad 40 na namamahagi
ng leaflet. Siya umano ay isang recruiter ng employment agency at nag-aalok ng trabaho sa Mongolia
, Russia at Canada. Sa puntong ito ay hindi na nakatiis pa si Melanie na manahimik, lalo na at
walang takot ang Pinay sa pagre-recruit, gayong marami na ang napapabalitang napapahamak dahil
sa pekeng trabaho sa ibang bansa na inaalok ng kung sino-sino. Agad siyang nagbigay ng babala
sa mga kapwa Pinay na huwag basta maniniwala sa mga taong nag-aalok ng ganitong trabaho at
lalung-lalo nang huwag magbibigay agad ng pera sa mga ito kapalit ng pangakong trabaho.Magtanong
daw muna sila sa Konsulado o sa iba pang nakakaalam kung tunay o hindi ang inaalok na trabaho
sa kanila. Sinabi rin ni Melanie na maraming mga kababayan na ang napahamak at nalubog sa
utang dahil lang sa pagnanasang makapagtrabaho sa ibang lugar. Si Melanie ay dalaga at
tubong Maynila.-- Jo Campos
Last trip
Kapag ang isang babae ay umabot na sa edad 50 at hindi pa nag-aasawa o wala pang
nobyo, karaniwan nang sinasabi na naiwan na ito ng biyahe.Kabilang sa kanila si Sandra, taga Rizal, na
sa gulang na 52 ay nag-akalang hindi na muli pang titibok ang kanyang puso. Masaklap ang
naging karanasan niya sa unang pag-ibig. Pagkatapos niyang mabuntis ay iniwan siya ng nobyong ama
ng kanyang nag-iisang anak maraming taon na ang nakaraan. Nagpunta siya sa Hong Kong
para magtrabaho mahigit 20 taon na ang nakakaraan. Mag-isa niyang itinaguyod ang kanyang anak,
na nakapag-asawa na at may mga anak na rin. Buo na ang loob ni Sandra noon na ilalaan na lang
niya ang kanyang pagmamahal sa anak at mga apo. Ang hindi niya inaasahan ay makakakita pa siya
ng lalaking magbubukas sa kanyang pusong nakapinid na.Isang kababata na dati na palang may
lihim na gusto sa kanya ay nabiyudo kamakailan lang. Naging "friends" sila ni Sandra sa Facebook,
at doon ito naglakas-loob na magtapat nang saloobin. Hindi halos makapaniwala si Sandra na
darating pa pala si kupido para panain ang kanyang pusong matagal nang nananahimik. Naging tampulan
si Sandra ng kantiyaw ng mga kaibigan. Biro nila, nakahabol pa umano si Sandra sa huling
biyahe dahil may "love life" na ito. Dagdag kantiyaw pa ng isa, "ang haba ng hair ni lola
Sandra." Kalaunan ay sinagot na rin ni Sandra ang manliligaw at muli silang nagkita at nagkasama
nitong nakaraang bakasyon niya. Boto naman ang kanyang pamilya at anak sa bagong kasintahan.
Jo Campos
Di pinabalik
Nagbakasyon si Karen noong Disyembre upang makasama ang pamilya sa Pasko, ngunit
hindi pinabalik ng asawa sa Hong Kong. Para makasigurado ay itinago ng kanyang asawa ang pasaporte
ni Karen. Hindi tuloy malaman ng Pinay kung paano ipapaliwanag sa kanyang amo ang
nangyari. Nakatakda sanang bumalik si Karen noong Enero 3, ngunit sa araw ng kanyang pagluwas
mula Cagayan papunta sa paliparan sa Clark noong Enero 2, hindi niya mahanap ang kanyang
pasaporte. Hinalughog na ni Karen ang kanyang aparador, bag at pati maleta ngunit hindi niya ito
makita. Samantala, ang kanyang asawa ay tahimik lang, habang inu-ukit ang mga disenyo sa
mga ginagawang kahoy na muwebles na kanyang negosyo. Nang hindi na makatiis ay tinanong ni
Karen ang asawa kung nakita nito ang kanyang pasaporte, at sinagot siya nito ng "tinago ko." Hindi
na nagtanong pa si Karen kung bakit ginawa ito ng asawa. Pumasok na lang siya ulit sa
kanilang kuwarto at inilabas lahat ng nakalagay sa maleta at inilipat sa kanilang aparador. Matapos
siyang nag-isip sa loob ng kanilang kuwarto ay tinawagan ang kanyang amo sa Sai Kung upang sabihin
na hindi na siya babalik magtrabaho sa kanila. Tinanong ng amo kung ano ang dahilan, at sinabi
niyang tutulungan na lamang niya ang kanyang asawa sa kanilang negosyo. Nalungkot ang amo,
ngunit nang makita niya ang mga gawang produkto ng asawa ni Karen sa facebook ay nakumbinsi
itong kaya na nilang mabuhay sa kanilang negosyo. Masaya silang nagpaalaman sa isat- isa.--
Cris B. Cayat
Bigamya
Hindi akalain ni Eva na hahantong sila ng kanyang asawang si Benjie sa korte matapos
ang halos 11 taon nilang pagsasama dahil sa pangangaliwa ng lalaki. Pareho silang nagtrabaho dati
sa ibang bansa si Benjie bilang seaman, at si Eva bilang domestic helper sa Hong Kong.
Nitong nakaraang Disyembre ay ganoon na lang ang gulat ni Eva nang puntahan sila ng mga pulis
sa kanilang bahay para arestuhin si Benjie. Napatunayan kasi na niloko niya ang korte nang
gumamit ito ng pekeng dokumento para makapagpakasal sa ibang babae. Tiniyempo ng mga pulis ang
pag-uwi ni Benjie sa kanilang bahay para ito maaresto. Matagal nang namomroblema si Eva sa
asawa dahil sa pambababae nito pero kinimkim niyang lahat dahil wala siyang makuhang ebidensya.
Dahil sa sama ng loob ay nagpasya si Eva na bumalik na sa Pilipinas noong Disyembre ng 2013,
nang makatapos ang panganay niyang anak sa kolehiyo. Mula sa sariling sahod ang ginamit ni Eva
na pangtustos sa mga anak, samantalang ang kita ni Benjie ay sa kanya lang napupunta.
Nagpasyang umuwi si Eva para maalagaan ang bunsong anak habang nagtatrabaho ang kanyang panganay.
Wala sa isip niya na sa kanyang pag-uwi ay mabibisto niya si Benjie sa kataksilan nito. Noon lang
niya nalaman na noong Oktubre ng 2014 ay umuwi din ang asawa pero hindi nagpakita sa kanila
dahil nagpakasal sa kabit at may anak na pala sila. Nangako si Eva sa sarili na ipaglalaban ang
karapatan ng kanyang dalawang anak.--
Cris B. Cayat
Hardinero
Isang kaibigan ang nagrekomenda kay Mario na manilbihan sa isang mayamang pamilya dito
sa HK. Hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang alok at hindi din siya nagtanong kung
anong trabaho ang madadatnan niya dito dahil inasahan niya na driver ang magiging tungkulin niya.
Ngunit sa unang araw niya ay hindi sasakyan ang ibinilin sa kanya na asikasuhin araw-araw kung hindi
ang mga tanim sa malawak na bakuran ng amo. Kasama din sa tungkulin niya na tulungan ang
mga kasambahay kung may mabibigat na bagay na kailangang buhatin. Sa kayang
pakikipagkuwentuhan sa mga kasamahan sa bahay, nabanggit ni Mario na "stepping stone" lang ang pagpunta dito
dahil balak talaga niyang lumipat sa Canada para doon magtrabaho. Hindi inakala ni Mario
na makakarating sa amo ang nabanggit na plano kaya nagulat na lang siya ng kausapin siya mismo
ng amo tungkol dito. Pag-aaralin daw sana siya ng driving pero dahil dito ay nagbago na ang isip
ng amo. Hindi nakaimik si Mario sa harap ng amo at ngayon ay nangangamba siya na baka bigla
siyang pababain. Si Mario ay katulad ng maraming bagong-salta dito sa Hong Kong na gustong pumunta
ng Canada. Pero hindi niya naisip na maaring hindi siya makapunta doon dahil naka isang semestre
lang siya sa kolehiyo. Nanghihinayang tuloy ang kaibigan ni Mario na nagrekomenda sa kanya
dahil halos lahat ng mga naging kasambahay ng amo niya ay nakapagpatayo ng bahay sa Pilipinas.
Kapag nagustuhan kasi ng amo ang serbisyo ay nagbibigay ito ng pera para sa pagpapatayo ng bahay.
Si Mario ay tatlong buwan pa lang dito sa
HK.---Gina N. Ordona
Nadenggoy
Abot hanggang langit na ang nararamdamang galit ni Maria sa dating kaeskwela noong
high school dahil ilang buwan na ang nakakalipas mula nang magpadala siya dito ng dalawang
super jumbo box na punong-puno ng mga gamit na pang-negosyo, pero walang binalik na bayad sa
kanya. Lumipat sa Visayas ang kaklaseng lalaki pagkatapos nakapag-asawa, pero nakadaupang palad
niyang muli dahil sa Facebook. Dahil nagtiwala at dahil gustong makatulong sa dating kaklase ay dito
niya ipinadala ang mga kalakal na aabot sa Php50,000 ang halaga. Pero pagkatapos nitong matanggap
ang mga gamit ay panay pangako na lang ang ginagawa tuwing sisingilin niya. Kahit singko ay wala
man lang siyang nabawi para sa pagpapadala sa kahon, at sa pinambili ng mga inilagay doon. Sa galit
ay ipinost niya sa facebook ng mga kahon na pinadala sa dating kaeskwela, kasabay ng pagsasabi
na hindi siya binarayan nito. Marami sa mga dating kaeskwela ang nag private message sa kanya na
pati sila ay naloko din ng lalaki. Pati pala yung mga dating nobya nito ay hindi pinatawad. Hindi
lang makapagreklamo ang mga babae dahil ayaw ipaalam sa mga asa-asawa nila na patuloy pa rin
nilang tinutulungan ang dating boyfriend. Tuwing pinapadalhan niya ng mensahe ang lalaki para
maningil ay puro pangako at dahilan ang isinasagot nito. Kesyo naospital daw ang asawa, o kung hindi
naman ay ang mga anak ang siyang di umano itinakbo sa hospital. Nangangako pa rin naman
na magbabayad pero sadyang hindi daw ipahintulot ng pagkakataon dahil mas importante daw
ang buhay ng kanyang pamilya, ang utang daw ay makapaghintay pero ang buhay kapag nasa bingit
ng kamatayan ay hindi na. Pero hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang sagot nito. Nang
magkatagpo-tagpo silang magkakaklase sa Facebook, kaya marami ang nakaalam ng kanyang negosyo na
buy and sell. Napag-isip isip niya na kung minsan ay mayroon talagang masamang naidudulot
ang Facebook. Kapag nagkaroon ng komunikasyon ang dating mga magkakaibigan ay malimit
na humantong sa hiraman ng pera at utakan. Si Maria ay tubong Isabela, biyuda at may isang anak,
at kasalukuyang naninilbihan sa mga among Intsik sa New Territories. Marites G. Palma
Maling akala
Tuwang tuwa si Annie dahil mag-asawang Briton ang bago niyang amo. Pagkatapos ng
unang kontrata niya sa among Intsik ay naghanap siya ng ibang lahi dahil sa pag-asang tataas ang
kanyang sahod, luluwag ang kanyang trabaho, at magiging mas maganda ang trato sa kanya. Pero
laking pagkakamali niya dahil sa unang buwan pa lamang niya ay naramdaman na niya na hindi kagaya
ng ibang mga Briton ang kanyang mga amo. Napakakuripot pala nila, lalo na sa pagkain. Wala
namang ibinibigay na food allowance sa kanya pero kapag namamalengke na ang amo ay wala
namang pagkain para sa kanya. Napipilitan siya tuloy bumili ng sarili niyang pagkain. Pati sa paglilinis
at pag-aayos ng bahay ay napakaistrikta ng among babae. Nanghihinayang tuloy siya ngayon sa
unang amo, na nakiusap pa noon na pumirma siya sa panibagong kontrata, at tataasan ng kaunti ang
sahod niya, pero tumanggi siya. Ngayon ay minimum lang ang sahod niya, kanya pa ang pagkain,
at napakamahal ng pamasahe papunta sa tambayan niya tuwing Linggo dahil sa Clearwater Bay
sila nakatira. Nang humingi siya ng payo sa mga kaibigan ay sinabihan siyang dapat niyang singilin
ang para sa food allowance dahil iyon ang nakapaloob sa kanilang kontrata. Panay tiis na lang
ang ginagawa ni Annie ngayon habang naghihintay ng among malilipatan. Napagtanto niya na hindi
pala lahat ng mga Briton ay magaganda ang ugali. Gaya ng mga Intsik ay may mga maganda ang ugali
at mayroon ding salbahe. Tsamba tsamba lang talaga ang magkaroon ng mabait at mapagbigay na
amo gaya ng kanyang mga kapitbahay. Si Annie ay tubong Baguio, 27 taong gulang at solong ina.
Marites Palma
Homesick
Araw-araw ay walang bukambibig si Digna kung hindi ang umuwi sa Pilipinas. Kung
ano-anong alibi ang sinasabi nito sa mga kaibigan at pamilya para lang magkaroon ng sapat na
dahilan upang umalis sa amo. Noong una ay matiyagang nakikinig ang kaibigan na si Flora at
hinahayaan nitong ibuhos ni Digna ang lahat ng hinaing. Masungit daw ang amo nito at laging nagagalit
kahit kaunting pagkakamali. Hirap din itong pakisamahan ang kasamang kasambahay dahil
laging pinupuna ang kanyang ginagawa. Sa kabila nito, nabanggit din ni Digna na maraming pabuya
na ibinibigay ang amo nito kahit ilang buwan pa lang siya. Kung ikukumpara sa ibang
kasambahay, suwerte si Digna dahil paglilinis ng bahay lang ang tungkulin niya at lagi pang nasa biyahe ang
mga amo. Naiintindihan ni Flora na matindi ang homesickness na nararamdaman ni Digna kaya
inalok niyang tulungan itong gumawa ng sulat para sa isang buwan na pasabi bago siya makaalis.
Sinabi din ni Flora na kung sadyang desidido si Digna ay wala namang magagawa ang amo para
pigilan siya. Pero kasabay nito ay ipinaliwanag din ni Flora na malaking kawalan ang buwanang
kinikita niya kung uuwi na siya sa Pilipinas. Sa ngayon ay isang buwan na ang nakalipas pero hindi pa
rin daw naibibigay ni Digna ang sulat sa amo. Umaasa si Flora na hindi na itutuloy ni Digna ang
balak at tuluyan nang samantalahin ang pagkakataon na makapag-ipon ng pera para sa kinabukasan
ng anak nito. Si Digna ay anim na buwan nang naninilbihan sa isang pamilya na nakatira sa Deep
Water Bay.---Gina N. Ordona
Promo?
Niyaya ni Beth ang kaibigang si Fe na sabay na silang bumili ng recharge voucher o load
ng telepono sa isang shop sa Central. May promotion daw kasi doon na libreng $20-voucher kung
bibili ng apat na $50-voucher. Nag-ambagan sila ng tag-$100 upang makamtan ang ekstrang
voucher. Bago pa man makabili ay napansin nilang markado ng presyong $45 ang mga
$50-voucher. Tinanong nila sa tinderang Pinay kung $45 nga ba ang bawat isa. Ang sagot ay oo
kaya samakatuwid, ang ekstrang $20 voucher ay ang sukli kapag bumili ng apat na tig-$50.Gusto sana
ni Beth na bumili na lang ng tatlong tag-$45 Beth pero hindi daw pwede kapag tatlo.Ang ginawa
ni Beth ay isinauli ang pera ni Fe saka siya bumili ng dalawang voucher. Pagkatapos siyang suklian
ng $10 sa ibinayad niyang $100 ay bumili siya ng isang pa.Bumili naman si Fe ng isang voucher
sa halagang $45 din.Nakuntento ang dalawa dahil napatunayan nila sa tindera ang kanilang
punto. Nakabili si Beth ng tatlo, taliwas sa sinasabing hindi pwede. Nabalik din bale sa kanila ang
kanilang $20 nang hindi na kailangan pang ibili ng bagong voucher.
---Ramon Dizon Jr.
|
|
|
|
|
|
Listen to:
View print version
Microsoft VBScript runtime error '800a0005'
Invalid procedure call or argument
/RightbarAd.asp, line 18 |