YOUR DAILY NEWS:
  GMANews
  Phil. Daily Inquirer
  Manila Times
  Philippine Star
  ABS-CBN News

  March 2010 Features Gallery   
Kakaibang daigdig ng High Island
Tila isang napakalaki at pagkaganda-gandang larawan ng mga hugis-diyamante at naglalakihang bato na nakapagkit sa isang napakalaking dinding ang matutunghayan ng mga mamasyal sa High Island, isa sa mga likas na magagandang pook ng Hong Kong.

Dahil na rin sa makapigil-hiningang kagandahan ng High Island kaya marahil paulit-ulit itong nangunguna sa talaan ng "Top Ten Hong Kong Natural Attractions". Ito ay matatagpuan sa Hong Kong National Geopark sa Sai Kung Volcanic Rock Region na binuksan sa madla noong Nob. 3 ng nakaraang taon.

Madaling puntahan ang lugar, at mararating ito sa pamamagitan ng dalawang sasakyang pampubliko: ang bus at taxi. Ang pinakamadaling sakyan ay ang taxi; sabihin lamang sa driver ang High Island at dadalhin ka na roon.

Kung kasama ang lahat mong mga kaibigan at gusto ninyong masilayang mabuti ang ganda ng daan papunta sa High Island, kasama na ang ehersisyo sa paglalakad, sumakay lamang sa Bus No. 94 o 96R mula sa Sai Kung market at bumaba sa Lady Mclehose Village, at maglakad patungo sa Man Yee Road. Mula dito ay aabutin ng humigit-kumulang sa dalawang oras ang maugugol ninyo sa paglalakad para malibot ang buong High Island.

Makalipas lamang ang ilang minutong paglalakad ay tatambad sa iyo ang kulay-asul na tubig at kakaibang hugis at kulay ng mga bato mula sa High Island Reservoir. Isa itong tanawin na hindi dapat palampasin nang hindi nakukunan ng litrato. Kakaiba ang hugis ng mga nakausling bato na tila sinadyang gawing upuan ng magpapakuha ng larawan sa gitna ng napakagandang kapaligiran.

Sulit na sulit ang iyong pagod dahil siguradong mabubusog ang iyong mga mata at para bang ikaw ay nasa ibang daigdig sapagkat wala kang makikitang iba sa paligid kundi mga di-pangkaraniwang hugis ng bundok, bato, tubig at mga puno.

Ang High Island Reservoir ay hindi lang pangkaraniwang atraksiyon dahil ito ay isa sa pinakasikat na geological site sa Hong Kong kung saan matatagpuan at maaaring pag-aralan ang mga kahanga-hangang uri ng naglalakihang mga bato.

Ito rin ang pinakamalaking imbakan ng tubig-tabang sa Hong Kong na nabuo sa pagdurugtong ng dalawaang malalaking nakatayong bato na may taas na 64 metro mula sa ibabaw ng dagat sa silangan at kanluran ng Sai Kung Peninsula.

Halos umabot sa 10 taon ang pagpapatayo sa reservoir, na inumpisahan noong 1969 at binuksan noong 1978 bago pa man ito matapos noong 1979, upang magamit na pantulong kapag kinakapos sa tubig ang Hong Kong noong panahong iyon.

Itinayo rin dati dito ang mga refugee camp na naging pansamantalang tahanan ng mga Vietnamese na nagsilikas mula sa kanilang bansa noong mga nakalipas na dekada at ngayon ay naging damuhang pinagpapastulan ng mga kalabaw.

Karamihan sa mga bumibisita dito upang saksihan ang ganda ng tanawin ay mga magkakapamilya, magkakabarkada at magsing-irog na gustong magkasarilinan sa mga espesyal na araw tulad ng nakaraang Lunar New Year, na natapat din ngayong taong kasalukuyan sa Araw ng mga Puso.

Makakasabay din sa paglalakad ang mga pagala-galang mga kalabaw na tila mayroong sariling isip at hindi gumaagambala sa mga namamasyal sa High Island.

Malimit ding ginaganap dito ang mga palaro tulad ng marathon dahil sa luwag ng daan na kung tawagin ay High Island geotrail.

Sa dulong bahagi ng landas ay mayroong isang napakakitid na daan na agad mapapansin, at agad ka ring mag-iisip kung para saan ang daang iyon dahil wala namang patalastas. Kung pagtitiyagang siyasatin, malalaman na ang nasa dulo nito ay isang camping site na maaaring gamitin ng magkakabarkada, basta lamang kumpleto sa kagamitan at marunong mabuhay nang malayo sa kabihasnan.


  4 www.sunweb.com | The SUN Internet Edition | All rights reserved